2 Lalaki, Patay sa Magkahiwalay na Aksidente sa Isabela

Cauayan City, Isabela- Dalawang (2) magkahiwalay na aksidente ang naitala sa Lalawigan ng Isabela na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang (2) lalaki.

Sa ibinahaging impormasyon ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), nakapagtala ng aksidente ang bayan ng San Manuel, Isabela partikular sa Brgy. District 1 na kinasangkutan ng isang motorsiklo na minamaneho ni Condrado Pascua, 40 anyos, may-asawa, Classifier ng palay sa isang rice mill, residente ng Brgy. District 1, San Manuel, Isabela at isang sasakyan namay plakang RFX912 na minamaneho naman ni Jessie James Nalicao, 30 anyos, may-asawa, Civil engineer at residente ng Naneng, Tabuk City, Kalinga.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, bumabaybay sa lansangan ang Mitsubishi na minamaneho ni Nalicao at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, nakasalubong nito sa kanyang linya ang motorsiklo na minamaneho ng biktima.


Sinubukan pang umiwas ni Nalicao sa motorsiklo subalit nasalpok pa rin ito.

Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang drayber ng motorsiklo at dinala ng rumespondeng Rescue 811 sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival (DOA) si Pascua.

Parehong dinala sa himpilan ng pulisya ang sangkot na behikulo at drayber ng sasakyan para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.

Samantala, tuluyang binawian ng buhay ang isang trabahador nang magsariling maaksidente sa Brgy. Kalabaza, Aurora, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Mario M Zipagan, 39 anyos, may-asawa at residente ng Brgy. Sta. Rosa, Aurora, Isabela.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, mabilis na bumabagtas sa lansangan ang biktima lulan ang minamanehong motorsiklo na walang plaka at nang makarating sa bahagi ng brgy. Kalabaza ay nawalan ito ng kontrol sa manibela kaya’t sumemplang sa kalsada at sumalpok sa waiting shed ang biktima.

Nagtamo ng matinding sugat sa ulo at pinsala sa katawan ang biktima na agad naisugod sa ospital subalit idineklara din itong dead on arrival.

Nasa pangangalaga ngayon ng PNP Aurora ang motorsiklo nito para sa tamang disposisyon.

Facebook Comments