2 LALAKI, PATAY SA PAMAMARIL; SUSPEK, NASAWI RIN MATAPOS PAGBABATUHIN

Cauayan City – Nasawi ang tatlong katao kabilang na ang isang suspek sa nangyaring pamamaril sa Brgy. Centro San Antonio, Ilagan City, Isabela, kagabi ika-18 ng Oktubre.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Ilagan City Police Station, ang biktima ay kinilalang sina Charlie Rosete, 49-anyos, at si Marvin Jake Coloma, 23-anyos, habang suspek naman ay kinilala namang si Arnel Bielgo, pawang residente ng nabanggit na Barangay.

Ayon sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, bigla na lamang umanong nagpaputok ng baril ang suspek at tinamaan ang biktimang si Rosete, at matapos nito ay kaagad itong tumakbo para tumakas.


Hinabol naman ng mga residente ang suspek ngunit patuloy ang ginawa nitong pagpapaputok ng baril sa direksyon ng mga ito dahilan upang tamaan ang pangalawang biktima na si Coloma.

Dahil dito, pinagbabato ng mga residente ang suspek na naging dahilan upang magtamo ito ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan na naging dahilan ng kanyang pagkasawi.

Samantala, nagpapatuloy pa rin ang ginagawang malalimang pagsisiyasat kaugnay sa nangyaring insidente.

Facebook Comments