2 LALAKI, SUGATAN MATAPOS BUMANGGA SA POSTE ANG KANILANG SASAKYAN

Cauayan City – Sugatan ang dalawang kalalakihan matapos bumangga ang kanilang sinasakyang SUV sa isang poste sa Brgy. Culao, Claveria, Cagayan kahapon, ika-30 ng Setyembre.

Ayon sa isang kawani ng MDRRMO-Claveria na si Ovidio Langit, isa sa mga rumesponde sa insidente, galing ang mga biktima sa Brgy. Centro at patungo sana sa Marag Valley nang mangyari ang insidente.

Dahil sa madulas na kalsada at malakas na hanging nararanasan dulot ni bagyong Julian ay nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng sasakyan dahilan upang aksidente silang bumangga sa isang poste.


Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nagtamo ang mga ito ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan at nawasak din ang kanang bahagi ng kanilang sasakyan.

Samantala, dahil sa tuluy-tuloy na pagbuhos ng ulan dahil sa bagyo nagiging sanhi ito ng madulas na kalsada kaya naman pinag-iingat ng mga awtoridad ang lahat ng mga motorista.

Facebook Comments