2 lasing, nagsaksakan sa Quezon City

20

Quezon City – Isa ang patay habang isang naman ang sugatan matapos magsaksakan ang dalawang lasing sa Barangay Baesa, Quezon City.

Dead on arrival sa Quezon City General Hospital ang biktimang si Raul Opaon, 46-anyos matapos magtamo ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan habang inoobserbahan pa ang suspek na si Ryan Urbano matapos masaksak sa dibdib.

Batay sa imbestigasyon ng QCPD CIDU, pasado alas-9 ng gabi nang mangyari ang insidente sa bahagi ng Carlos St. sa nabanggit na barangay.

Kwento ng misis ng biktima, lumabas siya para sundan ang mister na galing inuman nang makitang sinasaksak ito ng suspek na nakainom din ng alak.

Umalis ang misis ng biktima para humingi ng tulong sa mga kapitbahay ngunit pagbalik nila sa lugar ay parehas nang nakahandusay ang dalawa.

Naisugod pa sa ospital ang dalawa ngunit binawian din ng buhay ang biktima dahil sa dami ng tama sa katawan.

Narekober sa crime scene ang isang ice pick at kutsilyo na hinihinalang ginamit sa pananaksak.

Blangko pa ang mga awtoridad sa posibleng dahilan o pinagtalunan ng biktima at suspek.

Facebook Comments