2 linggo pang extension sa ECQ, inirekomenda ng isang kongresista

Inihirit ngayon ni Albay Rep. Joey Salceda ang dalawang linggo pang extension sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Giit ni Salceda, wala pa sa “point of justified confidence” ang bansa pagdating sa paglaban sa COVID-19 kaya inirekomenda nito sa National Task Force ang dalawang linggo pang ECQ pagkatapos ng April 30.

Katwiran ng kongresista, kung aalisin ang ECQ ay para na rin na-expose ang buong populasyon sa impeksyon kahit pa mayroong ipinapatupad na social distancing.


Sinabi pa nitong hindi pa handa ang Pilipinas base na rin sa quantitative at scientific evidence ng COVID-19 cases kaya maituturing na kapabayaan kung aalisin ang ECQ.

Ayon sa kongresista, sa ngayon ay nasa 46,000 pa lamang ang naisagawang tests na posibleng madagdagan ng 80,000 hanggang April 30.

Sa 130,000 tests naman ay katumbas lang ito ng 0.1% ng populasyon kaya maaaring hindi pa natutukoy ang mas maraming positibo sa sakit lalo na iyong mga walang sintomas.

Iginiit ni Salceda na kailangan munang mapababa ang potensyal nang pagkahawa sa virus bago ma-expose ang populasyon para makayanan rin ng kapasidad ng healthcare system ang paggamot, contact tracing at isolation.

Facebook Comments