Nais ng OCTA research group na maging maagap ang pamahalaan bago mahuli ang lahat.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Prof. Ranjit Rye na noong isang buwan ay nasa 0.6 ang reproduction number ng COVID-19 cases sa Metro Manila pero ngayon ay nasa 1.33 na, na maituturing na high risk.
Ibig sabihin, nasa isang libong kaso ang naitatala kada araw sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Prof. Rye, ang Delta variant ang pangunahing dahilan ng surge ng kaso ng COVID-19.
Kung kaya’t dapat magpatupad ng circuit breaking measures, anticipatory at preventive measures ang pamahalaan upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 lalo na ang Delta variant.
Sinabi pa ni Prof Rye na dapat “go early, go hard” ang gobyerno bago tuluyang kumalat ang Delta variant sa mga komunidad.
Kasunod nito, 2 linggong lockdown ang mungkahi ng OCTA bilang pro-active measure kaysa umabot sa limang libong kaso kada araw bago muli magpatupad ng lockdown.
Paliwanag ni Rye, sa pagpapatupad ng 2 linggong maagap na lockdown ay makakatulong upang hindi ma-overwhelm ng husto ang mga pagamutan, hindi marami ang masasawi, maisasalba ang mga negosyo maging ang 4th quarter ng taon upang hindi tuluyang malugmok ang ating ekonomiya.