2 LTO Enforcers ng Regional Office, Timbog sa Pangingikil sa Dalawang Driver

Cauayan City, Isabela- Timbog ang dalawang enforcers ng Land Transportation Office (LTO) Region 2 makaraang mangikil sa dalawang driver sa Maharlika Highway Brgy. Penge Ruyu, Tuguegarao City, Cagayan.

Kinilala ang mga suspek na sina Chito Apattad, 45-anyos, residente ng Brgy. Camasi, PeƱablanca at Darwin Isidro Pauig, 41-anyos, residente ng Brgy. Alibagu, Enrile at kapwa pamilyado.

Ayon kay PLT. Franklin Cafirma, tagapagsalita ng PNP Tuguegarao City, sinita ang dalawang biktima na kinilalang sina Donovan Divina 34-anyos ng Las PiƱas at Bongbong Ignacio, 45-anyos ng Cabanatuan City, Nueva Ecija dahil sa pagmamaneho ng kolorum na truck van sa Bayan ng Enrile.


Lumabas sa imbestigasyon, hiningan ng mga suspek ng halagang P30,000 ang mga biktima upang resolbahin ang kanilang paglabag hanggang sa napagkasunduan na P20,000 nalang ang kanilang ibibigay at gagawin ang transaksyon sa nasabing lungsod.

Agad na nagsagawa ng entrapment operation ang mga otoridad na nagresulta ng pagkakadakip sa mga kawani ng LTO ng humingi ng tulong ang mga biktima.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang caliber 45 na baril na may mga bala, boodle money na P20,000, at isang Temporary Operators Permit.

Sasampahan ng kasong robbery extortion ang dalawang LTO enforcers na nasa kustodiya ngayon ng pulisya.

Facebook Comments