Umabot na sa dalawang milyon ang nagparehistro sa ‘Relief Agad’ app ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para mapabilis ang pamamahagi ng cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Sa virtual presser ng DSWD, sinabi ni Secretary Rolando Bautista na 17 rehiyon ang nakapag-validate na ng mga encoded registrants gamit ang Relief Agad app.
Aniya, nakumpleto na nila ang guidelines kung kaya’t maaari nang simulan ngayong linggo ang distribusyon ng second tranche ng SAP cash assistance.
Pinuri naman ng kalihim ang mga lokal na pamahalaan na nakapagsumite ng kanilang listahan ng “waitlisted beneficiaries” o mga kwalipikadong pamilya na hindi nakatanggap ng ayuda sa first tranche.
Gayunman, bagama’t nakapagsumite na aniya ang mga LGU ng listahan sa Department of the Interior and Local Government (DILG), karamihan dito ay hindi pa nasertipikahan ng mga local executives.