2 mataas na opisyal ng BIR Pasig na nangotong ng P75m sa malaking cellphone company, natimbog  ng NBI sa QC

Natimbog ng National Bureau of Investigation ang hepe ng assessment section ng BIR Revenue District Office 43 ng Pasig City at isa pang babaeng examiner sa ikinasang entrapment operation sa basement parking ng Seda Hotel sa Vertis North Quezon City.

Ayon kay Greco Belgica, Commissioner ng Presidential Anti-Corruption Commission, nasa kustodiya na ngayon ng NBI si BIR RDO 43 assessment head Fred Pagdilao at kasamang si Revenue office 2 examiner Agrifina Ballesteros.

Aniya, unang hinihingan ng 160-million pesos ng dalawang opisyal ang may-ari ng Vivo cellular phone company kapalit ng pagpapababa sa 1.6-bilyong pisong buwis na babayaran ng kompanya para sana sa taong 2018.


Pero hindi umano pumayag ang mga opisyal ng Vivo sa 10% na for the boys hanggang sa magkasundo sa 75-milyong piso kapalit ng 10 milyong piso lamang na babayarang all revenue taxes.

Noong taxable year 2017 ay 4 na milyong piso lamang ang binayarang buwis ng Vivo.

Si Assessment Section Chief Fred Pagdilao ay pinsang buo ni dating NCRPO Director Joel Pagdilao.

Sabado pa nang mangyari ang entrapment.

Isa sana itong malaking accomplishment na maaaring naisama pa sa SONA ni Pangulong Duterte.

Nang tanungin ng DZXL si Belgica kung bakit ngayon lamang niya ito inilabas, sinabi ni Belgica na inihahanda pa kasi nila ang mga papel sa isasampa nilang kaso at nakatakda rin silang  magpatawag ng presscon sa Lunes.

Facebook Comments