Negros Occidental – Dalawang matataas na opisyales na Communist Party of the Philippines New Peoples Army (CPP-NPA) ang naaresto ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at militar sa Barangay Dulao, Bago City, Negros Occidental.
Kinilala ang mga ito na sina Aurora Cayon alyas Lilay, staff ng National Finance Commission ng CPP-NPA na may kasong robbery with violence or intimidation of person at arson; at si Louie Antonio Martinez alyas Louie Castro na kabilang sa National Military Commission ng CPP-NPA, wanted dahil sa kasong murder at multiple attempted murder.
Ayon kay PNP Chief Ronald Dela Rosa, si Cayon ay naihalal sa matataas na posisyon sa CPP-NPA katulad ng pagiging miyembro ng Execom and head finance ng komiteng Mindanao, 2nd Deputy Secretary ng Southern Mindanao Regional Committee at 2nd deputy secretary ng North Eastern Mindanao.
Sa pagkakaaresto sa dalawang terorista, nakuha sa kanya ang kalibre 45 baril, isang hand grenade, magazines at ammunition.
Sa ngayon, panawagan naman ni PNP Chief Dela Rosa sa publiko na mas maging mapagmatyag sa paligid at agad na ireport sa awtoridad ang mga kahina-hinalang mga kilos o bagay na posibleng gawa ng mga terorista upang agad na maaksyunan.