2 maybahay, kulong dahil sa pagiging ‘tsismosa’

APARRI, CAGAYAN – Arestado ang dalawang maybahay sa Brgy. Maura matapos ireklamo ng paninirang-puri, Lunes ng umaga.

Ayon sa pulisya, ikinakalat daw ng magkaibigan na nambababae ang mister ng kanilang kapitbahay.

Umabot sa asawa ng biktima ang sinasabing tsismis, dahilan para magalit at komprontahin nito ang kabiyak. Mariin naman itinanggi ng lalaki ang mga ipinaparatang sa kaniya.


Para daw maniwala ang naguguluhang misis, hinikayat siya ng sinisiraang mister na isumbong sa kinauukulan ang mga taong wumawasak ng pagsasama nila.

Labis naman ang pagsisisi ng dalawa sa ginawang pagkakalat ng maling impormasyon tungkol sa kapitbahay.

Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa Aparri Municipal Police Station habang hinahanda ang kasong isasampa laban sa kanila.

Sa ilalim ng Revised Penal Code, may katapat na parusang pagkakakulong mula anim na buwan pataas at multa ang slander o oral defamation.

Facebook Comments