SAN PABLO CITY, LAGUNA – Nahaharap sa reklamo ang isang punong barangay dito matapos niya umanong pagsasampalin ng tsinelas ang dalawang menor de edad na lumabag sa curfew.
Agad nag-viral sa social media ang “pananakit” ni Abner Dionglay, kapitan ng Barangay San Crispin, na naganap noong Hulyo 18.
Sa larawang ipinost ni Kishi Villaverde, kita pa ang mga latay sa mukha at leeg ng mga biktima na dulot umano ng malupit na pagdidisplina ng chairman. Aniya, pinarusahan ni Dionglay ang dalawang binatilyo nang madatnan nasa labas pa sila ng bahay pasado alas-7 ng gabi habang walang suot na face mask.
KAGALANG KAGALANG ??NA CHAIRMAN ABNER S. DIONGLAY BAT MO BINURA !?????? SUMAGOT KA BAKIT SA KAMAY MO ANG BATAS !! Hindi…
Posted by Zhekanah Kishi Villaverde on Saturday, July 18, 2020
Maliban sa pananakit ay binantaan din umano ang buhay ng mga menor de edad, na pawang 15 taong gulang.
Napag-alaman din ng isa sa mga ina ng biktima na lango sa alak ang kapitan nang gawin ang pananampal at pambabanta.
Kaugnay nito, ipapa-subpoena ni DILG Usec. for Barangay Affairs Martin Diño ang kapitan at iba pang sangkot sa insidente para sagutin ang isinampang reklamo ng mga na-agrabyadong pamilya.
Tumanggi naman magbigay ng reaksyon si Dionglay at sinabing tutugon na lamang siya kapag natanggap na ang demanda laban sa kaniya.