Mananatiling prayoridad ng pamahalaan na mabakunahan ang healthcare workers.
Ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., ang mga bakunang natanggap ay nakalaan talaga sa lahat ng healthcare workers mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Mayroon ding initial deliveries ng bakuna sa Abril na nakalaan din sa mga medical professionals.
Iginiit ni Galvez na kailangan munang matapos ang pagpapabakuna sa dalawang milyong healthcare workers bago magtungo sa mga susunod na prayoridad ng pamahalaan tulad ng senior citizens at iba pang sektor.
Ang mga nais lumahok sa vaccination na hindi kasama sa priority list pero gustong hikayatin ang publiko na magpabakuna ay kailangang hintayin ang mga paparating na vaccine supply sa ikalawa at ikatlong kwarter ng taon kung saan isasagawa ang malawakang vaccine rollout.