2% monthly interest rate sa credit card, dapat manatili

Umapela si Makati City 2nd Dist. Rep. Luis Campos Jr., sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na panatilihin ang kasalukuyang 2% maximum monthly interest rate sa mga balanse sa credit card na hindi nabayaran sa takbang petsa.

Ang panawagan ni Campos sa BSP ay laman ng inihain niyang House Resolution No. 459 na layuning matulungan ang Filipino consumers na makaagapay sa epektong dala ng naitalang four-year high 6.9 percent inflation rate nitong nakalipas na buwan ng Setyembre.

Kasama rin sa hiling ni Campos sa resolusyon na panatilihin ang maximum 1 percent monthly add-on rate sa credit card installment loans at ang P200 per transaction ceiling sa cash advance processing fees.


Ang paghahain ni Campos ng resolusyon ay sa harap ng plano ng BSP na i-review o pag-aralan sa susunod na buwan ang nabanggit na thresholds charges kaugnay sa paggamit ng mga Pilipino ng credit cards.

Tinukoy ni Campos na sa datos ng BSP, mahigit sa 10.3 million ang mga Pilipino ang mayroong credit cards, habang ang credit card receivables ng banking system sa bansa ay umaabot sa kabuuang P478.4 billion nitong Hunyo 30, 2022.

Facebook Comments