2 Most Wanted Person sa Cagayan, Huli

Cauayan City, Isabela- Natimbog ng mga alagad ng batas ang dalawang top most wanted person sa magkahiwalay na lugar sa Lalawigan ng Cagayan.

Nadakip ng pinagsanib pwersa ng iba’t-ibang hanay ng pulisya ang itinuturing na Top 2 Most Wanted sa provincial level na kinilalang si Jeff Ragandap, 31 anyos, isang OFW at residente ng Barangay Kaliwakiw, Salcedo, Ilocos Sur.

Nahuli ang akusado sa mismong lugar nito sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni hukom Leo Reyes ng RTC Branch 12 Sanchez Mira, Cagayan.


Si Ragandap ay nahaharap sa kasong dalawang beses na ‘Rape’ o panggagahasa na kung saan ay walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan nito.

Dinala ang akusado sa kustodiya ng PNP Claveria para sa dokumentasyon bago ipasakamay sa court of origin.

Samantala, naaresto din ng PNP Tuguegarao City ang Top 4 Most Wanted person sa municipal level na nakilalang si Antonia Aliwanag, 56 anyos, helper at residente ng Atulayan Sur, Tuguegarao City, Cagayan.

Sinilbihan ng warrant of arrest si Aliwanag para sa kaso nitong Syndicated Illegal Recruitment at wala din kaukulang piyansa.

Bukod dito, nahaharap din sa kasong Estafa ang akusado at may kaukulang piyansa na Php16,000.00.

Nakatakdang ipasakamay sa court of origin ang naturang akusado na nasa pangangalaga ng Tuguegarao City Police Station.

Facebook Comments