2 Naaagnas na Bangkay ng Lalaki, Narekober sa Cagayan

Cauayan City, Isabela- Narekober ng mga otoridad ang dalawang (2) naaagnas na bangkay ng lalaki sa magkahiwalay na lugar sa Lalawigan ng Cagayan.

Unang natagpuan ng mga kasapi ng Ballesteros Police Station ang bangkay ng biktima na nakilalang si Teddy Alejo, 46 taong gulang, laborer at residente ng Barangay Payagan West, Ballesteros, Cagayan.

Nasa stage of decomposition na ang bangkay nito nang matagpuan sa magubat na bahagi sa nabanggit na lugar.


Sa pakikipag-ugnayan ng pulisya sa Provincial Crime Laboratory Office, La-lo, Cagayan para iproseso ang insidente ay nabatid base sa resulta ng kanilang findings na ang ikinamatay ng biktima ay dahil sa heat stroke.

Samantala, isang naaagnas din na bangkay ng lalaki ang narekober sa loob ng kanyang bahay sa isang subdivision sa Maddarulug Sur, Enrile, Cagayan.

Nakilala ang biktima na si Mico Duarte, 44 anyos, residente ng Rio Del Grande Subdivision, Maddarulug Sur, Enrile, Cagayan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, isang may-ari ng tindahan ang tumawag sa himpilan ng PNP Enrile kaugnay sa masangsang na naaamoy na nanggagaling sa kanyang kapitbahay.

Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa lugar hanggang sa bumulaga sa mga ito ang bangkay ng biktima na nakahilata sa higaan.

Nadiskubre din ang mga dugo sa lababo na pinaniniwalaang isinuka ng biktima.

Nabatid ng mga otoridad na una nang na-confine sa ospital ang biktima dahil sa sakit na liver cirrhosis.

Hindi na rin nagsagawa ng imbestigasyon ang SOCO Team dahil wala naman umanong nakitang indikasyon na sinadya o may krimen na nangyari sa pagkamatay ng biktima.

Gayunman, ninais pa rin ng pulisya na isailalim sa autopsy ang bangkay ng biktima para matukoy ang tunay na ikinamatay nito subalit tumanggi rin ang kanyang pamilya.

Facebook Comments