2 NPA-Patay, Isa Sundalo Sugatan sa Engkuwentro sa Jones, Isabela!

*Jones, Isabela-* Matapos ang pananambang ng mga NPA kahapon ng umaga sa Brgy. San Sebastian, Jones, Isabela na ikinasawi ng isang sundalo at ikinasugat ng isang CAFGU member na bibisita sana sa kanilang Community project ay agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang tropa ng 86th Infantry Battalion katuwang ang PNP Jones.

Sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay Lt Col Remigio Dulatre, Commanding Officer ng 86th IB, sa patuloy na pagtugis ng kasundaluhan, bandang 5: 30 kaninang umaga nang makubkob at makaengkuwentro ng militar ang nasa 15 kasapi ng NPA sa Purok 7 ng Brgy. San Sebastian kung saan dalawa sa panig ng NPA ang naitalang namatay at narekober habang isang sundalo naman ang nasugatan sa nangyaring engkuwentro.

Narekober ng militar sa lugar ang ilang M16 rifles, mga pampasabog, at mga subersibong dokumento.


Sa ngayon ay hindi pa pinapangalanan ang namatay na sundalo habang kasalukuyan namang nagpapagaling sa pagamutan ang isa pang sugatang sundalo.

Dinala na sa isang punerarya ang bangkay ng dalawang NPA habang patuloy pa ang isinasagawang hot pursuit operation ng tropa ng pamahalaan laban sa mga tumakas na NPA.

Iginiit naman ni Lt. Col. Dulatre na hindi sila titigil sa pagtugis sa mga nakalabang NPA hanggat hindi nila ito nahuhuli.

Facebook Comments