Nasawi ang dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos makipagsagupa sa tropa ng 11th Infantry Batallion ng Philippine Army kagabi, ilang oras bago ang pagsapit ng araw Pasko sa Sitio Libjo, Barangay Napacao, Siaton, Negros Oriental.
Ayon kay 3rd Infantry Division Spokesperson Major Cenon Pancito, alas-7:25 kagabi nang maganap ang sagupaan sa Barangay Napacao, Siaton.
Bago ang sagupaan, nakatanggap ng report ang militar na may presensya ng NPA sa nasabing barangay.
Kaya agad silang rumesponde pero pagdating nila sa area ay agad silang pinaputukan ng mga NPA.
Nagtagal ng ilang minuto ang sagupaan bago nagsitakas ang mga rebelde na naging dahilan ng pagkasawi ng dalawang NPA.
Narekober ng militar sa pinangyarihan ng encounter ang dalawang bangkay ng NPA at isang caliber 5.56mm M653 (Baby Armalite) at isang caliber .45 pistol at iba pang mahahalagang gamit ng mga NPA.
Una nang nagdeklara ang gobyerno ng walang holiday ceasefire sa pagitan ng CPP-NPA.