Cauayan City, Isabela – Dalawang nurse ang pinakabagong kumpirmadong may sakit na COVID-19 sa Lalawigan ng Isabela.
Ito ang kinumpirma ni Isabela Governor Rodito Albano III sa panayam sa kanya ng 98.5 iFM Cauayan.
Ayon sa Gobernador, ito ang ulat sa kanya ni Dr. Nelson Paguirigan, ang pinuno ng Provincial Health Office. Ang mga ito ay nurse ng Southern Isabela Medical Center (SIMC).
Napag alaman na ang dalawang bagong COVID-19 patients ang personal na umasikaso sa med-tech mula sa Cauayan City na nauna nang nagpositibo sa virus.
Ang mga ito rin ay kasama sa 38 na isinagawa ng DOH na contact tracing.
Ang isang nurse ay mula sa Santiago City habang ang isa naman ay mula sa Lalawigan ng Ifugao.
Dahil dito, muling iginiit ng punong lalawigan ang pagseryoso sa pagsunod sa tamang protocol para labanan ang virus na patuloy na pumipinsala sa buong mundo.
Samantala, isa ding COVID-19 patient ang kumpirmadong naitala ngayong araw, April 25, 2020 sa Nueva Vizcaya.
Ayon kay Dr. Edwin Galapon ng COVID-19 NV Provincial Task Force, ang matandang pasyente ay unang dinala sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital pero agad na inilipat sa Regional Traumatic Medical Center matapos na magpositibo ang swab test nito.
Kasalukuyan na ngayon ang isinasagawang contact tracing sa mga nakasalamuha ng tatlong pinakabagong COVID-19 patients.