May pag-asa ng makalaya sa June 3 ang dalawang opsiyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na sina Mohit Dargani at Linconn Ong na nakabilanggo sa Pasay City Jail.
Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, magsasara ang kasalukuyang 18th Congress sa June 3 at kasabay nitong mabubura ang pag-contempt kina Dargani at Ong.
September 2021 na-contempt at nakulong si Ong sa Senado at November 2021 naman naaresto si Dargani sa Davao City Airport nang tangkain nitong lumabas ng bansa.
Ang pag-contempt at pagpapakulong sa kanila ay bunga ng pagtanggi nilang ibigay sa Senate Blue Ribbon Committee ang mga dokumento ukol sa iniimbestigahang pagbili ng gobyerno ng umano’y overpriced na pandemic supplies.
Mula sa pagkakaditine sa Senado ay inilipat sa Pasay City Jail sina Dargani at Ong noong Nobyembre 29.