2 Pahinante, Sugatan matapos Bumaligtad ang Truck sa Reina Mercedes, Isabela

Cauayan City, Isabela-Nagpapagaling na ang dalawang pahinante na sugatan matapos bumaligtad ang lulan nilang 6×6 truck malapit sa ginagawang tulay sa Nappacu Grande, Reina Mercedes, Isabela kahapon, Setyembre 29, 2021.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan sa Reina Mercedes Police Station, saku-sakong mais ang laman ng truck na tinatayang nasa 1,000 tons at galling umano sa bayan ng Aurora ang truck patungo sa bayan ng San Mariano ng mangyari ang aksidente.

Lumalabas sa imbestigasyon ng PNP, nawalan umano ng preno ang truck dahilan upang mawalan ng kontrol ang drayber sa manibela at bumangga sa nakatambak na graba sa kabilang linya ng daan hanggang sa bumaligtad ito.


Dahil sa insidente, nagtamo ng sugat sa katawan ang dalawang pahinante ng truck na mga residente ng San Mariano habang maswerte namang walang sugat na natamo ang drayber.

Mabilis naman na rumesponde ang pulisya at mga tauhan ng DPWH upang maisaayos ang truck at mga sakay nito habang nagdulot ito ng mabigat na daloy ng trapiko na halos tumagal ng 30-minuto bago tuluyang naayos ang sitwasyon.

Kaugnay nito, tumanggi ng magpadala sa pagamutan ang mga sugatang biktima at nagpatuloy sa kanilang destinasyon.

Mahigpit naman ang paalala ng mga awtoridad sa lahat ng motorista na suriin mabuti ang mga sasakyan bago ito ibiyahe para maiwasan ang anumang hindi inaasahang insidente.

Facebook Comments