2 PANG KARAGDAGANG BRICKS NG ILLEGAL NA DROGA, NAREKOBER SA BAYBAYIN NG APARRI

Cauayan City, Isabela- Narekober ng mga tauhan ng PDEA ang dalawa (2) pang bricks ng hinihinalang illegal na droga sa baybaying dagat na sakop ng Barangay Fuga sa bayan ng Aparri, Cagayan kahapon, March 22, 2022.

Batay sa impormasyon mula sa PDEA, tumitimbang ng tatlong kilo at tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P15-M ang nakuhang illegal na droga na nakabalot sa transparent tape na may tatak na Football Team logo na letrang M.

Una nang natagpuan kahapon ng mga mangingisda ang tatlo pang bricks na pinaniniwalaang naglalaman ng cocaine matapos magpalutang-lutang sa karagatang sakop ng Ballesteros at Abulug.

Kaugnay nito, nangako naman si Governor Manuel Mamba na magbibigay ng P200,000 na pabuya sa mga mangingisdang nakadiskubre sa illegal na droga.

Inihayag naman ni PDEA R02 Regional Director Joel Plaza na patunay na epektibo ang hakbang na kanilang ginawa makaraang magdaos ng “Trends in Drug Smuggling and Coast Watch” seminar.

Facebook Comments