2 pang kongresista na pinangalanan ng mag-asawang Discaya, humiling ng executive session sa ICI

Haharap sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang dalawang kongresista na kabilang sa idinawit ng mag-asawang Discaya na umano’y nakatanggap ng kickback sa mga flood control projects.

Kabilang na rito sina Pasig City Lone District Rep. Roman Romulo at Bulacan 1st District Rep. Danilo “Danny” Domingo.

Kapwa humiling ng executive session o closed-door hearing ang dalawang mambabatas, sa kabila ng pagsisimula ng livestreaming ng ICI kahapon.

Samantala, wala pang ibinababang schedule ang komisyon kung kailan haharap sina House Majority Leader at Presidential son Sandro Marcos at Davao Rep. Paulo “Pulong” Duterte sa tanggapan ng ICI.

Ito’y kasunod na rin ng kagustuhan ng dalawang panig na tumulong sa imbestigasyon hinggil sa maanomalya at katiwalian sa mga proyekto ng pamahalaan.

Matatandaang nadawit si Presidential son Sandro Marcos matapos mapunta umano sa kanyang distrito ang pinakamalaking bahagi ng allocable funds na nasa ₱15.8 bilyon, habang ang iba ay nakatanggap lang ng ₱1 bilyon hanggang ₱10 bilyon.

Si Congressman Pulong Duterte naman ay hiniling na paimbestigahan dahil sa mahigit ₱4 bilyon na flood control project sa Davao City.

Facebook Comments