Kinumpirma ng Office of Civil Defense na dalawang bansa pa ang nagpahiwatig na tumulong sa oil spill clean-up sa Oriental Mindoro.
Ayon kay OCD Information Officer Diego Agustin Mariano sasabihin din nila sa mga susunod na araw kung anong mga bansa ito matapos na tanggapin ng Office of the President ang tulong sa pamamagitan ng endorsement ng OCD.
Matatandaang noong nakaraang linggo, dumating sa bansa ang Japanese representatives para tumulong sa paglilinis sa mga lugar na naapektuhan ng oil spill.
Maliban sa mga tauhan, dumating din sa bansa ang mga kagamitan na ibinigay ng pamahalaan ng Japan para sa oil spill cleanup.
Sa pinakahuling datos ng NDRRMC, sumampa na sa 31, 497 mga pamilya sa MIMAROPA at Western Visayas ang naapektuhan ng malawakang oil spill sa Oriental Mindoro.
Matatandaang noong Feb. 28, 2023 ng lumubog ang MT Princess Empress sa bahagi ng oriental Mindoro kung saan may karga itong 800,000 liters ng industrial fuel oil.