Sumailalim na sa self-quarantine sina Philippine Army Spokesman Colonel Ramon Zagala at si Army Chief Lieutenant General Gilbert Gapay.
Ito ay matapos silang magkaroon ng contact kina Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief General Felimon Santos Jr. na una na ng nagpositibo sa COVID-19 at kay Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana na kamakailan lang sinabing negatibo siya sa sakit.
Ayon kina Zagala at Gapay, wala naman silang nararamdamang sintomas gaya ng ubo, lagnat, pagkahilo at respiratory illness.
Pero mabuti na anilang mag-ingat para hindi makapanghawa sa iba sakaling magpositibo sila sa naturang sakit.
Samantala, posibleng gawing case to case basis ang planong pagpapatupad ng massive forced quarantine para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay retired General Carlito Galvez Jr., ang Chief Implementer ng National Action Plan Against COVID-19, pwedeng i-home quarantine na lamang ang mga taong hinihinalang nagtataglay ng virus.
Lalo na kung meron naman silang kwarto sa bahay kung saan pwede silang mag-isolate sa ibang miyembro ng kanilang pamilya.