Muling nabiktima ng pag-atake ang dalawang Pilipino sa magkahiwalay na lugar sa Midtown Manhattan sa New York.
Ang unang biktima ay ang 73-anyos na Pilipino na inatake sa 8th Avenue nitong March 27 kung saan nagtamo ito ng pasa sa mukha.
Sa video na inilabas ng New York Police Department (NYPD) Crime Stopper, makikita ang suspek na itinulak ang biktima na patungo sana sa simbahan.
Agad namang nahuli ng mga rumespondeng pulis ang suspek na nakilala na si Dominick Staton, 44-taong gulang at isang homeless.
Nitong Lunes, March 28, isa ring 53-taong-gulang na Pinoy ang inatake sa isang fast food chain sa Midtown.
Sa videong inilabas ng NYPD Crime Stopper, makikitang umoorder ng pagkain ang biktima nang lapitan at suntukin siya ng suspek na agad ding tumakas tangay ang pera at cellphone ng nasabing Pinoy.
Nagtamo ng pasa at sugat sa mukha ang biktima na agad na isinugod sa ospital.
Sa ngayon, inaalam pa ng NYPD kung may kaugnayan sa hate crime ang dalawang insidente.
Samantala, nanawagan naman si Philippine Consul General in New York Elmer Cato sa mga awtoridad na paigtingin pa ang seguridad para matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino sa New York.
Ito na ang pang-34 na insidente ng mga pag-atake sa Pinoy na naitala ng Philippine Consulate General sa New York.