Tuluyan nang pinagtibay sa Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang dalawang panukala na magbibigay ng special powers kay Pangulong Rodrigo Duterte na suspendehin sa panahon ng national emergency ang nakatakdang pagtataas ng premium rate contribution ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Social Security System (SSS).
Sa botong 227 na pabor, 6 na tutol at zero abstention ay nakalusot sa pinal na pagbasa ang House Bill 8461.
Sa ilalim ng panukala ay inaamyendahan nito ang Section 10 ng Universal Health Care Act kung saan ipagpapaliban ang nakatakdang pagtaas sa 3.5% ng PhilHealth contribution sa panahon ng national emergency mula sa kasalukuyang 3%.
Sa oras na maging ganap na batas ay maaaring i-defer o suspendehin agad ng Pangulo ang scheduled PhilHealth premium rate contribution hike matapos ang konsultasyon sa mga kalihim ng Department of Finance (DOF) at sa Department of Health (DOH).
Kasabay rin nito ang pag-apruba rin sa third and final reading sa House Bill 8512 na nagbibigay kapangyarihan din kay Pangulong Duterte na ipagpaliban ang SSS contribution hike sa botong 228 Yes, 6 No at zero abstention.
Inaamyendahan dito ang Section 4 A.9 ng Social Security Act of 2018 kung saan ipagpapaliban muna na itaas sa 13% ang share ng employer at empleyado sa SSS contribution mula sa kasalukuyang 12%.
Sa ilalim ng panukala ay may kapangyarihan ang Pangulo na suspendehin ang nakatakdang contribution increase kaakibat ng gagawing konsultasyon sa Finance Secretary na siyang ex-officio member ng Social Security Commission.
Matatandaang lumakas ang panawagan na isantabi ang PhilHealth at SSS premium contribution hike kasunod ng pag-alma ng iba’t ibang grupo na dagdag pasanin ito sa mahihirap na mamamayan ngayong COVID-19 pandemic.