Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang dalawang pari mula National Capital Region (NCR) na dumating sa Iloilo kamakailan lamang.
Sa isang ulat, sinabi ni Dr. Jessie Glen Alonsabe ng Department of Health-Region 6 na kasama ang pangalan ng dalawang pari na listahan ng mga kumpirmadong tinamaan ng virus noong nakaraang linggo pa.
Nilinaw naman ni Fr. Angelo Colada, tagapagsalita ng Archdiocese of Jaro, na hindi residente ng Western Visayas region ang mga pari at itinalaga lamang sila sa isang komunidad sa Iloilo City.
Aniya, sumailalim muna sa RT-PCR test ang mga pari sa Metro Manila at nang mag-negatibo ang resulta ay pinayagan silang makaalis.
Pagdating sa siyudad ng Iloilo, muling nagsagawa ng COVID-19 test sa dalawa at doon na lumabas na positibo sila sa nakahahawang virus. Pareho naman silang asymptomatic, saad pa ni Colada.
Nasa quarantine facility ang mga pasyente at patuloy na minomotor ng mga kinauukulan ang kanilang kalusugan.
Patuloy naman sa pagbibigay ng tulong ang archdiocese sa mga paring dinapuan ng sakit.