Nagawa pang maisugod sa ospital ang 2 piloto ng Philippine Navy na lulan nang bumagsak na PN Robinson R22 training helicopter sa Draga Reclamation Area Barangay 57, Cavite City kaninang 6:30 ng umaga.
Base sa incident report ng PNP CALABARZON, ang piloto ng naturang helicopter ay idineklarang dead on arrival ng mga doktor sa Cavite Medical Center habang ang co-pilot ay namatay habang ginagamot sa Bautista Hospital.
Samantala sa impormasyon ni Armed Forces of the Philippines Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla nakapagsagawa pa ng emergency procedures ang piloto ng helicopter pero ito ay tuluyang bumagsak malapit sa Cavite City Public Market.
Sa ngayon, hawak na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagkakakilanlan ng 2 nasawing piloto ng Philippine Navy pero kanila munang ipapaalam sa pamilya bago isapubliko ang pangalan ng mga ito.
Nagpapatuloy din aniya ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabatid kung ano ang sanhi nang pagbagsak ng eroplano.