Isang pagsabog ang naganap ngayong araw sa loob ng Department of National Defense (DND) Arsenal sa Camp Gen. Antonio Luna sa Brgy. Lamao, Limay, Bataan.
Sa impormasyong nakalap ng RMN News, dalawa na ang patay sa naturang pagsabog habang dalawa ang malubhang nasugatan.
Ayon sa ulat mula kay Bataan Police Director Police Col. Joel Tampis, kinilala ang dalawang namatay na sina Ricardo Solomon, 40 anyos, residente ng Orion, Bataan at Marvin Tatel, 38 na mula sa Alangan, Limay, Bataan.
Sugatan naman sina Macreldo Rodriguez, 57; at Allan Wisco, 36, kapwa residente ng Brgy. Lamao.
Sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang pagsabog sa mixing composition building kung saan ginagawa ang chemical para sa bullet primer.
Ang dalawang namatay umano ang may hawak ng processing ng kemikal habang inaayos ng mga biktimang nasugatan ang hydraulics.
Unang namatay on the spot si Tatel habang namatay sa DND Arsenal Infirmary si Solomon.
Ang DND Arsenal dito sa Bataan ay ang lugar kung saan ginagawa ang mga bala at explosives na ginagamit ng Armed Forces of the Philippines (AFP).