2 PhilHealth officials, umaming nagsinungaling kaugnay sa IT System ng ahensya

Sa pagdinig ng Senado ukol sa mga katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay ipapa-contempt sana ni Senator Panfilo Ping Lacson sina PhilHealth Senior Vice President Chief Information Officer Jovita Aragona at Senior Information Technology Officer Calixto Gabuya Jr.

Pero ang pagpapa-contempt ay hindi natuloy makaraang aminin ng dalawa na hindi sila nagsabi ng totoo sa nakaraang pagdinig ukol sa isyu ng overpriced na Information Technology System ng PhilHealth.

Unang iginiit nina Aragona at Cabuya na ang bibilhin ng PhilHealth na network switches ay Cisco 2960 XR 24 port na ₱348,000 kada unit.


Pero giit ng testigo na si dating PhilHealth Head Executive Assistant at IT Expert na si Etrobal Laborte, ang ini-award na kontrata ng ahensya ay para sa pagbili ng network switches na nagkakahalaga lamang ng ₱62,000 at ang certification ay pirmado ni Aragona.

Samantala, sa hearing ay ibinunyag din ni Senator Lacson na nakasingil ang B Braun Avitum Dialysis Center sa PhilHealth ng ₱811,000 noong 2015 hanggang 2018.

Sa impormasyon pa ni Lacson, noong 2018 ay binayaran ng PhilHealth ang Quezon City Branch ng B Braun Avitum para sa 133.78% ng dialysis session ng ginawa ng 15 dialysis machines.

Ayon kay Lacson, taliwas ito sa panuntunan ng PhilHealth na dapat ay 90% lamang o hanggang 72 session lamang kada buwan ang maaaring magawa ng kada dialysis machines.

Sa hearing ay hindi naman humarap sina PhilHealth President Ricardo Morales na nagpadala ng liham kay Senate President Tito Sotto III na nagsasabing pinayuhan siya ng doktor na mag-medical leave mula August 17 hanggang August 28.

Hindi rin nakibahagi sa pagdinig si PhilHealth OIC Arnel de Jesus na sumulat din kay Senate President Sotto at nagsabing may naka-schedule siyang medical follow-up checkup.

Facebook Comments