Nakaranas na naman ng pangha-harass ng China Coast Guard (CCG) ang mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokersperson for West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, nangyari ang insidente noong Huwebes, April 4, sa bahagi ng Rozul Reef.
Hinaras ng dalawang barko ng CCG ang dalawang Pilipinong mangingisda na tumutulong sa mga barko ng PCG at BFAR sa paghuhulog ng payao o fish aggregating device sa lugar.
Ito ay isang floating artificial reef na layong maka-attract ng mga isda.
Nagkunwari aniya ang CCG vessels na magsasagawa ng water cannon at tinakot ang mga mangingisdang Pinoy na ayon kay Tarriela ay pagpapakita ng “unlawful behavior” ng China.
Ang Rozul Reef na nasa 128 nautical miles mula Palawan ay bahagi ng EEZ ng Pilipinas.
Noon lamang Marso nang bombahin ng tubig ng CCG Vessels ang mga barko ng Pilipinas sa kasagsagan ng resupply mission sa Ayungin Shoal kung saan ilang miyembro ng Philippine Navy ang nasugatan.