2 Pilipinong tripulante na lubhang sugatan sa Houthi attack, uuwi ng bansa gamit ang special air ambulance

Iuuwi sa bansa sa pamamagitan ng special air ambulance ang 2 Pilipinong tripulante na lubhang nasugatan matapos pasabugan ng missile ng Houthi rebels ang sinasakyan nilang merchant vessel sa Gulf of Aden at Red Sea.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Foreign Affairs Usec. Eduardo de Vega na ililipad ang mga ito ng air ambulance sa ilalim ng Department of Migrant Workers (DMW), sa mga susunod na araw.

Dagdag pa ni De Vega na nasa ospital pa rin ang dalawang seafarers, kabilang ang isang seaman na nagtamo ng sunog sa mukha, at isang cook na naputulan ng isang binti.


Dahil dito, hindi sila makakasama sa 11 Pinoy seafarers na darating na sa bansa mamayang gabi.

Tiniyak naman ng DFA ang kaukulang tulong mula sa pamahalaan para sa mga apektadong Filipino seafarers.

Facebook Comments