
Arestado ng Davao City Special Operations Group ang dalawang Pilipino at isang Chinese national matapos silang mahulihang may kargang smuggled na sigarilyo sa Carmen Street, Barangay Obrero, Davao City.
Ayon sa ulat ng Davao City Police Office, kinilala ang mga suspek bilang sina alyas “Radjiel,” 27-anyos, at kamag-anak nito na si alyas “Radzmir,” 46, na kapwa residente ng Kilometer 11, Sasa, Davao City.
Kasama rin sa naaresto ang isang Chinese national na si alyas “Ke,” 47, tubong China ngunit pansamantalang naninirahan sa Tomas Monteverde, Davao City.
Ayon sa imbestigasyon, na-monitor ng mga awtoridad ang grupo habang nagbababa ng mga kartong naglalaman ng smuggled na sigarilyo mula sa isang closed van.
Nakumpiska sa kanila ang 20 master cases ng sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang P1.2 milyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya habang hinahanda na ang mga kaukulang dokumento para sa isasagawang inquest proceeding.









