Nasawi ang dalawang Pinoy, habang anim ang sugatan sa naganap na pagsabog sa pantalan sa Beirut, Lebanon kahapon, Martes.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang mga biktima ay pawang nasa bahay ng kanilang employer nang mangyari ang pagsabog.
Patuloy namang binabantayan ng Philippine Embassy sa Beirut ang sitwasyon at sinabing handa itong magbigay ng tulong sa mga naapektuhang Pinoy.
Tinatayang nasa 33,000 ang mga Pilipino sa Lebanon, karamihan ay nasa Beirut.
Batay sa mga naunang ulat, sanhi ng pagsabog ang 2,750 toneladang ammonium nitrate na nakaimbak sa bodega sa pantalan.
Nagdulot ang insidente ng matinding shockwave, dahilan ng pinsala ng mga kalapit na istraktura na sinundan pa ng 3.3 magnitude na lindol.
Nasa 73 katao na ang naiulat na nasawi rito, habang 4,000 pa ang sugatan.
Maaari maabot ang Philippine Embassy sa mga numerong +961 3859430, +961 81334836, +961 71474416, +961 70681060 at +961 70858086; sa email na beirutpe@gmail.com, o sa Facebook page.