Kinasuhan ng robbery extortion at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang dalawang police non-commissioned officers na nakatalaga sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa extortion activities.
Kinilala ni Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) Chief BGen. Warren de Leon ang mga kinasuhan na sina Staff Sgt. Mark Anthony Palma at Pat. Gerald Tucas.
Ayon kay Gen. De Leon, dahil sa kanilang internal cleansing program na oplan bansay o bantay sa pagsasanay, nakakuha sila ng impormasyon hinggil sa iligal na aktibidad ng dalawang suspek.
Aniya, imbes na magsilbing role models sa kanilang trainees ng Basic Internal Security Operations Course ang dalawang suspek ay gumawa pa ang mga ito ng iregularidad.
Nag-ugat ang kaso makaraang humingi umano sina Palma at Tucas ng P60,000 mula sa BISOC trainees kapalit ng mas maluwag na training.
Dahil dito, binigay ng BISOC battalion commander at ng kanilang class treasurer ang pera na winithdraw mula sa kanilang class fund at binigyan ng tig-P30,000 ang dalawang suspek.
Sa ngayon, nakasampa na ang administrative complaint para sa grave misconduct at 2 counts ng conduct unbecoming of a police officer laban kina Palma at Tucas.
Kasunod nito, binalaan ni Gen. De Leon ang lahat ng Philippine National Police (PNP) personnel na walang puwang sa pambansang pulisya ang mga tinaguriang police scalawags.