2 puganteng Chinese na sangkot sa cybercrime, ipapa-deport na

Inihahanda na ng Bureau of Immigration (BI) ang deportation order laban sa dalawang Chinese na wanted sa kanilang bansa dahil sa kinakaharap na kasong may kaugnayan sa cybercrime.

Nakilala ang mga dayuhan na sina Hong Webin, 34-anyos at Li Cheng, 36-anyos na una nang natimbog noong Huwebes sa tinutuluyan nilang condominium unit sa Mandaluyong City ng mga operatiba ng fugitive search unit ng Immigration.

Wanted ang dalawang Chinese sa kanilang bansa dahil sa pagpapakalat ng mga malalaswang larawan sa internet at pagkakasangkot sa illegal propaganda.


Pansamantalang nakapiit ang dalawa sa BI Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay pa ang summary deportation order ng Board of Commissioners.

Ilalagay na rin sa blacklist ng Immigration ang dalawa para hindi na muling makabalik pa ng Pilipinas.

Facebook Comments