2 pulis at isang sibilyan, timbog sa panloloob sa printing shop sa Pampanga

Bagsak sa kulungan ang dalawang pulis na may ranggong police master sergeant at isang sibilyan matapos masangkot sa panloloob sa isang printing shop sa Brgy. Tabun, Pampanga nitong Hulyo 16.

Ayon kay PBGen. Ponce Rogelio Peñones Jr., regional director ng Central Luzon, limang armadong lalaki na pawang nakasuot ng itim na jacket, bonnet, at face mask ang sapilitang pumasok sa naturang shop.

Itinali ng mga suspek ang dalawang biktima gamit ang cable strap, sinira ang CCTV, at pinagbibintangan pang sangkot sa ilegal na droga bago tangayin ang siyam na mamahaling smartphone.

Tumakas ang mga suspek gamit ang isang kotse na walang plaka.

Sa follow-up operation, nadiskubre ng mga awtoridad ang getaway vehicle na iniwan sa Brgy. San Vicente, Sacobia, Bamban, Tarlac.

Sa inisyal na imbestigasyon nadiskubre na ang sasakyan ay pag-aari ng isang pulis mula sa Pampanga PPO PDEU unit.

Dahil dito, agad na naaresto ang dalawang pulis at isa pa nilang kasabwat na nahaharap ngayon sa kasong robbery with intimidation at attempted kidnapping.

Patuloy ang manhunt operation para sa iba pang kasabwat, habang sinisilip na rin ang posibleng pagsasampa ng kasong administratibo laban sa mga pulis at kanilang immediate supervisor.

Facebook Comments