2 pulis Caloocan na suspek sa pagpatay kina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo De Guzman, may nakuhang testigo

Manila, Philippines – May nakuhang testigo ang dalawang pulis-Caloocan na itinuturong pumatay kina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo De Guzman alyas Kulot.

Nagsumite ang kampo nina P01 Jeffrey Perez at P01 Ricky Arquilita ng joint-affidavit ng kanilang gagamiting testigo sa kaso.

Ayon kay Atty. Dodjie Encenas, ipinadala lamang sa kanyang mga kliyente sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig ang naturang sulat-kamay na sinumpaang salaysay noong Sabado sa pamamagitan ng courier service.


Kinuwestyon naman ito ng Public Attorneys’ Office dahil bukod sa photocopy lamang ang nasabing mga dokumento, tila aniya delaying tactic ito dahil dapat ay ngayon na ang huling araw ng hearing para sa naturang kaso.

Binigyan naman ng DOJ panel ng hanggang Biyernes ang kampo nina Arquilita at Perez para mai-produce ang mga testigo nitong sina Solomon Rosca at Madeline Soliman o ang orihinal na kopya ng sinumpaang salaysay ng mga ito.

Sinasabing ang mag-asawang testigo ang nakakita nang paputukan daw ng baril ni Carl ang dalawang pulis habang sila ay namamasada ng tricycle.

Facebook Comments