Cauayan City, Isabela- Agad na inalis sa kanilang tungkulin ang dalawang pulis na kasama sa mga inaresto ng PNP Tuguegarao City dahil sa pagkakasangkot sa iligal na sugal kasama ang vice mayor ng Maconacon, Isabela nitong sabado, July 18,2020.
Ayon kay PLTCOL. Jonalyn Tecbobolan, hepe ng PNP Tuguegarao, kabilang ang dalawang pulis na nakatalaga sa Admin Holding Unit ng Police Regional Office 2 habang naisampa na ang kasong kriminal laban dito at inihahanda na ang kasong administratibo.
Aniya, sabay din na naisampa ang kasong paglabag sa PD 1602 laban sa vice mayor at 15 iba pa.
Ayon pa sa hepe, napag-alaman na ang isa sa mga pulis na sinasabing police escort umano ni Vice Mayor Jolly Taberner batay sa binitawang salita nito sa mga operatiba na nagsagawa ng operasyon subalit ng beripikahin ay walang order na ibinababa ang Isabela Police Provincial Office sa pagbibigay ng seguridad sa bise-mayor.
Samantala, naniniwala si Governor Rodito Albano III sa kanyang interview na nagkatuwaan lamang ang mga nahuli sa paglalaro ng Mahjong dahil hindi naman tagaroon si Vice Mayor Taberner.
Giit pa ng Gobernador na paiimbestigahan niya ang pangyayari at kung mapatunayan na may nangyaring pang-aabuso ay magsasampa sila ng counter charge dahil sinalakay ng mga miyembro ng Tuguegarao City Police Station ang bahay na walang search warrant.
Tahasan namang sinabi ni PLTCOL. Tecbobolan na karapatan naman ng kahit sino na maghain ng reklamo laban sa mga pulis dahil dadaan naman ito sa tamang proseso.
Isa rin sa ebidensyang ipepresenta ng mga ito ang surveillance video na kuha mula habang nangyayari ang iligal na pagsusugal.
Patuloy naman ang isasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad ukol sa insidente.