2 pulis na sangkot sa pagpatay, panggagahasa ng 15-anyos na babae, pinatatanggal sa serbisyo

Pinatay si Fabel Pineda noong Hulyo 2, ilang oras matapos sampahan ng reklamong sina Staff Sergeants Randy Ramos at Marawi Torda.

Iniutos ng hepe ng Philippine National Police (PNP) na sibakin sa puwesto ang dalawang pulis na sangkot umano sa pagpatay at panggagahasa sa isang 15 taong gulang na babae sa Cabugao, Ilocos Sur.

Sa press briefing nitong Lunes, sinabi ni PNP Chief Gen. Archie Gamboa na pinabibilisan niya sa Internal Affairs Service (IAS) ang pagdinig ng kasong administratibo na isinampa laban kina Staff Sgt. Randy Ramos at Marawi Torda.

“I actually directed IAS to finish and dismiss the policemen in 15 days,” saad ng pinuno ng PNP.


Para maging patas ang imbestigasyon, bibigyan ng pagkakataon sina Torda at Ramos upang tumugon sa reklamo sa loob ng limang araw mula nang ilabas ang resolusyon.

Si Ramos ay nahaharap sa kasong murder at rape, habang si Torda ay sinampahan ng kasong murder at acts of lasciviousness.

Dagdag ni Gamboa, samu’t-saring ebidensiya ang nagtuturo na sangkot ang dalawang alagad ng batas sa pagkamatay ng dalagitang si Fabel Pineda.

Tinambangan si Pineda ng riding-in-tandem noong Huwebes sa Barangay Daclapan, ilang oras matapos niyang sampahan ng kaso ang mga akusado sa Cabugao Municipal Police Station.

Batay sa reklamo, dinakip ng mga pulis mula San Juan, Ilocos Sur si Pineda at kaniyang pinsan na 18 taong gulang bunsod ng paglabag sa curfew noong Hulyo 1.

Pero imbis daw na ihatid sa bahay, hinalay nina Ramos at Torda ang magpinsan nang makarating sila ng Cabugao.

Nasa restrictive custody ng Ilocos Sur Provincial Police Office ang dalawa na tumangging magbigay ng pahayag.

Facebook Comments