Sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Col. Jean Fajardo sa isinagawang press briefing sa Camp Crame, na tuluyan nang nag-absent without leave (AWOL) ang dalawang pulis na sangkot sa pagpatay kay Capt. Roland Moralde sa Parang, Maguindanao del Norte matapos makalaya.
Ayon kay Col. Fajardo, nitong nakaraang linggo nang ipag-utos ng piskalya ang pagpapalaya sa dalawang pulis, hindi na umano ito nagpakita simula Lunes sa Police Regional Office – Bangsamoro (PRO-BAR) sa kabila ng return to work order na ibinaba ng PNP upang sumailalim restrictive custody.
Kung matatandaan, nakilala ang dalawang pulis matapos mahagip ng CCTV ang pagpatay sa biktima na si Moralde, kung saan kusang sumuko ang dalawa habang kasalukuyan pa ring pinaghahanap ang tatlo pang ibang sangkot.
Nauna na ring nabanggit ni Fajardo na maaaring may conflict of interest na nangyari sa pagitan ng piskal at ng mga napalayang suspek kaya sa ngayon ay pinag-aaralan na ng PNP ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa Ombudsman laban sa piskal na humawak ng kaso.