Nagsasagawa na ang Philippine National Police (PNP) ng masusing imbestigasyon hinggil sa nangyaring shooting incident kahapon, September 1, 2024 sa Prime Peak Subdivision, Barangay Maitim 2nd Central, Tagaytay City, Cavite na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang police officers.
Base sa inisyal na report, nasa lugar nang pinangyarihan ng krimen ang mga biktimang sina Police Captain Adrian Binalay ng Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region at Police Captain Tomas Ganio Batarao Jr., na nakatalaga sa Regional Personnel Holding Accounting Section para sana mag inquire hinggil sa bibilhin nilang property.
Sa kabila ng babala ng security guard na wag pasukin ang subdivision, tumuloy parin ang dalawang pulis at makaraan ang ilang minuto, bigla na lamang ngpaputok ng baril ang isang alias “Santos” isa umanong abogado habang lulan ng kaniyang sasakyan.
Nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng mga awtoridad at suspek kung saan pare-pareho silang nagtamo ng multiple gunshot wounds.
Idineklarang dead on the spot si Police Captain Binalay habang si Police Captain Batarao at ang suspek ay dinala pa sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Kaugnay nito, bumuo na ang PNP ng investigation team na syang tututok sa kaso.
Nagpaabot narin ng kanyang pakikiramay si PNP Chief PGen. Rommel Marbil sa naulilang pamilya ng dalawang nasawing pulis.