2 pulis, patay sa pag-atake ng mga pinaghihinalaang miyembro ng ASG sa Sulu

Patay ang dalawang pulis sa pag-atake ng mga pinaghihinalaang miyembro ng Abu Sayyaf Group sa isang police station sa Parang, Sulu.

Ito ang kinumpirma ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interior and Local Government Minister Atty. Nanguib Sinarimbo.

Alas-6:30 kagabi nang paulanan ng bala ng mga suspek ang istasyon ng pulisya gamit ang high-powered firearms.


Nasawi sa pag-atake sina Patrolman Arjun Putalan at Corporal Mudar Salamat.

Nagtamo naman ng sugat at kasalukuyang ginagamot sa Parang Municipal Hospital ang kasamahan nilang sina Executive Master Sargent Hamid Saribbon at Staff Master Sargent Harold Nieva.

Agad namang nakatakas ang mga suspek papunta sa bayan ng Indanan.

Nagpapatuloy pa ang hot pursuit laban sa mga suspek.

Facebook Comments