2 raliyista na miyembro BMP, hinuli matapos magsagawa ng kilos protesta

Arestado ang dalawang raliyistang kabilang sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino o BMP matapos na magsagawa ng kilos-protesta kahit may umiiral na ECQ.

Kinilala ang mga ito na sina Rastica Clarito at Reynaldo Dulay, kapwa group leader ng BMP.

Sa ulat ng Rizal Police Provincial Police Office, nagsagawa ng kilos-protesta ang grupo ng BMP malapit sa Eastwood Subdivision, San Isidro, Rodriguez, Rizal kaninang 9:30 ng umaga.


Isinisigaw nila dapat mabigyan sila ng tulong mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) at ganoon din mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon naman kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson Brigadier Gen. Bernard Banac, dalawa lang ang naaresto ng mga tauhan ng Rizal PPO dahil nagtakbuhan ang karamihan at ang dalawang group leaders lamang ang naiwan.

Sinabi ni Banac, mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasagawa ng kilos-protesta ngayong Labor Day dahil sa umiiral na ECQ sa Metro Manila, CALABARZON at Central Luzon dahil sa COVID-19 pandemic.

Facebook Comments