2 resolusyon, naihain na sa Kamara para imbestigahan ang stock trading ng 4 na opisyal ng SSS

Manila, Philippines – Inihain na sa Mababang Kapulungan ang dalawang resolusyon na layong imbestigahan ang kwestyunableng stock trading ng apat na opisyal ng Social Security System (SSS).

Unang inihain ni House Committee on Banks and Financial Intermediaries Chairman Ben Evardone ang House Resolution 1433 kung saan pangungunahan ng kanyang komite ang pagsisiyasat.

Sa gagawing imbestigasyon ng komite ni Evardone, hindi lamang ang kwestyunableng pag-trade ng stocks at paggamit ng stockbroker ng SSS pension fund ng apat na opisyal ang sisilipin kundi pati na rin ang ibang reklamo ng pagkakaroon ng sindikato na gumagamit sa policy loan ng mga miyembro.


Samantala, inihain naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang House Resolution 1434 na layong imbestigahan ang conflict of interest at profiteering na ginawa ng apat na opisyal sa House Committee on Good Government and Public Accountability.

Umaasa din ang mga kongresista na mauuwi ang imbestigasyon sa pag-audit sa lahat ng assets ng SSS Board at officials, pagsasailalim sa mga ito sa lifestyle check, pag-freeze ng bank accounts, pag-sequester sa mga stocks ng mga nabanggit na opisyal at pagpapanagot sa apat na opisyal.

Facebook Comments