Kinumpirma ni Bontoc Mayor Franklin Odsey sa Laging Handa public press briefing na dalawa na lamang mula sa 12 na taga-Bontoc, Mountatin Province na tinamaan ng bagong variant ng COVID-19 ang nananatili ngayon sa ospital at nagpapagaling.
Ayon kay Mayor Odsey, isa ang nakatakdang ma-discharge ngayong araw, tatlo ang naka-strict home quarantine at anim ang na-discharge na at sumasailalim din sa strict home quarantine.
Tiniyak naman nito na mahigpit nilang mino-monitor ang mga naka-home quarantine nang sa gayon ay hindi na kumalat pa ang virus na pinaniniwalaang mas mabilis makahawa.
Samantala, maging si Mayor Odsey ay naka-quarantine matapos magpositibo sa COVID-19.
Hindi naman matiyak pa sa ngayon ni Mayor Odsey kung ang orihinal na strain o ang bagong variant ng COVID-19 ang tumama sa kanya dahil lumabas ang positive RT-PCR test result niya noong January 15 habang na-detect ang bagong variant ng COVID -19 sa Bontoc noong January 22.
Giit nito, kapag natapos na ang kanyang 14-day quarantine period ay sasailalim syang muli sa testing.