Manila, Philippines – Inaalam pa ngayon ng militar kung dalawa sa anim na napatay sa sagupaan sa Inabanga, Bohol ay hindi miyembro ng Abu Sayyaf Group.
Ayon kay Capt. Jojo Mascareñas, Civil military operations officer ng 302nd brigade, ang sinasabing umanoy sibilyan at hindi miyembro ng ASG ay ang mag-asawa na kinilalang sina Constancio Petalco at Crisenta Petalco.
Sa ngayon ayon kay Mascarenas, nagpapatuloy ang imbestigasyong ginagawa ng Philippine National Police katuwang ang militar para matukoy kung bakit nasa lugar pa ang mag-asawa sa kabila na may nagaganap na operasyon.
Ang mag-asawang Petalco ayon kay Mascarenas ay residente ng lugar at silang nagmamay-ari ng bahay kung saan tumuloy ang ASG.
Sa ulat na nakuha ni Mascarenas, si Cresinta ay tyahin ni Joselito Melloria alyas Abu Ali na pinaniniwalaang naging guide ng mga ASG member sa Inabanga, Bohol.
Isa sa inaalam ngayon ng militar at pulisya kung involve ang mag-asawa sa local terrorist group na ASG.