Nagpositibo sa COVID-19 ang dalawang residenteng malapit sa tinuluyang apartment ng Overseas Filipino Worker (OFW) na nakitaan ng UK variant sa Quezon City.
Kabilang rito ang 36-year-old na lalaki at 44-year-old na babae na kapwa residente ng Riverside sa Barangay Commonwealth.
Pareho silang asymptomatic at kasalukuyang nananatili sa HOPE Quarantine Facility.
Ayon kay Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) Head Dr. Rolly Cruz, isusumite nila sa Philippine Genome Center ang sample ng kanilang swab test para malaman kung UK variant din ang tumama sa dalawa.
“Mahigit na 200 ‘yong ating na-swab test, meron tayong dalawang na-diagnose o nag-positive doon sa ating swab test. Ipapadala natin ‘yong kanilang swab test sa Philippine Genome para malaman natin kung ito ba ay UK variant o ‘yong dati na nating variant dito sa Pilipinas,” ani Cruz sa panayam ng RMN Manila.
Sa 342 indibidwal na nakatira sa loob ng 50-meter radius ng tinuluyang apartment ng OFW, 206 na ang nakapagpa-swab test.
Walo sa kanila ang nakitaan ng sintomas ng COVID-19 habang 198 ang asymptomatic.
Ang ilan naman ay ikinokonsiderang third generation contacts at hindi na kinakailangang magpa-swab test.
Samantala, negatibo naman sa swab test ang anim na kasama sa bahay ng dalawang COVID positive cases.