
Nasagip sa magkahiwalay na Entrapment and Rescue Operations ng Philippine National Police Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) – Luzon Field Unit ang dalawang sanggol na umano’y inaalok sa mga online platform para ibenta sa Angeles City, Pampanga at Baliwag City Bulacan noong Miyerkules.
Sa operasyon sa Pampanga, nadiskubre na ang sariling ina ng sanggol na may edad na dalawang araw ang umano’y nagtangkang magbenta sa kanyang anak sa halagang 30,000.
Ang dahilan umano nito ay ang hindi planadong pagbubuntis at dahil na rin may isa pa itong anak na may karamdaman na epilepsy.
Samantala, tatlong kaanak naman ng tatlong buwan na sanggol ang naaresto na kinabibilangan ng sariling ina, lola, at tita matapos umanong tangkain rin na ibenta ang nasabing sanggol sa halagang P130,000.
Ayon sa ulat, gagamitin umano ang pera sa pampiyansa sa ama ng bata na nakakulong at bilang gastusin sa pagpapaopera ng lolo ng sanggol.
Dahil dito nahaharap ngayon ang apat na suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 11862 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022, Republic Act No. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, kaugnay ng Section 6 ng Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Samantala, dinala naman ang mga nasagip na sanggol at mga naarestong suspek sa opisina ng WCPC para sa tamang dokumentasyon at disposisyon.










